Ire-recalibrate ng Philippine National Police (PNP) ang pagtatalaga nito ng seguridad para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay matapos na pahintulutan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagsasagawa ng kilos-protesta sa dalawang pangunahing kalsada ng lungsod , mula Commonwealth Avenue hanggang sa kanto ng Tandang Sora Avenue, habang sa IBP Road malapit sa Sinagtala street naman sa Barangay Batasan Hills pinayagan ng lokal na pamahalaan na magdaos ng programa ang mga pro-Marcos group.
Sa isang statement ay sinabi ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. dahil dito ay agad silang magsasagawa ng ilang mga pagbabago sa kanilang ipapatupad na seguridad upang matiyak na wala silang pinapaboran sa alinmang grupo.
Makikipag-ugnayan din aniya sila sa mga kinauukulang ahensya at tanggapan ng gobyerno para naman maiwasan ang anumang kalituhan at abala.
Ngunit umapela naman siya sa mga organizers ng mga raliyista na mapayapang isagawa ang kanilang mga aktibidad at nagbabala na hindi dapat gumawa ang mga ito ng anumang unruly act dahil hindi aniya sila magdadalawang isip na gumamit ng pwersa laban sa mga protesters na gagamit ng karahasan.