Nangako si Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies chairperson Grace Poe na agad tatalakayin ng kanyang komite ang mga panukalang amiyenda sa Anti-Money Laundering Act (AMLA).
Ayon sa senadora mahalagang magkaroon ng pamamaraan para sa mas mahigpit na pagsugpo sa ano mang banta sa integridad ng financial system ng bansa.
“It is imperative to have the means in law to better combat money laundering, terrorist financing and other related threats to the integrity of the financial system,” ani Poe.
Ang pahayag na ito ng mambabatas ay kasunod ng pag-certify as urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang amiyenda ng batas.
Para kay Sen. Poe, kaakibat ng maayos na financial system ang kapasidad na harapin ang epekto ng iba’t-ibang sitwasyon tulad ng kasalukuyang pandemya.
“A healthy financial system will have the capacity to absorb the impact of events such as the COVID-19 pandemic that heavily disrupted economic activities and displaced thousands of workers from their source of living.”
Nilinaw naman ng senador na masusi pa rin nilang tatalakayin ng mga kapwa mambabatas ang mga probisyon ng amiyenda sa batas, kahit pinamamadali ito ng Palasyo.
Kabilang sa mga probisyon sa ilalim ng Senate Bill No. 1412 na inihain ni Poe, ay ang pagsama sa real estate developers at brokers bilang covered persons ng batas.
Nais din ng mambabatas na isama ang tax crimes, pagtibayin ang kapangyarihan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pag-iimbestiga, at authorization ng AMLC na magpatupad ng “targeted financial sacntions” sa proliferation financing.
Nakabinbin pa sa Kamara ang House bill para sa amendments ng AMLA, pero nangako si House Speaker Lord Allan Velasco na tatalima ang mababang kapulungan ng Kongreso sa utos ng presidente.