Nagpahayag ng kahandaan ang Philippine National Police na magbigay ng seguridad sa suspendidong Bureau of Corrections chief, Director General Gerald Bantag at iba pang mga opisyal na dawit sa kasong pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Ito nga ay matapos na pormal nang sampahan ng kaso ng PNP at NBI ang mga suspect kasama na si Bantag, BuCor Deputy Security Officer Ricardo Zuluenta at iba pang ikinanta ng self-confessed gunman na si Joel Escorial na sangkot sa naturang kaso.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni PNP PCol. Jean Fajardo na handa ang pambansang pulisya na magbigay ng seguridad sa naturang mga suspek sa oras na boluntaryo itong sumuko sa pulisya.
Ngunit nilinaw niya na walang magiging special treatment para sa kanila at kagaya lamang ng seguridad na kanilang ibinibigay sa iba pang mga indibidwal na lumalapit sa PNP ang ipapaabot nila kina Bantag at iba pang mga nabanggit ni Escorial.
Dagdag pa ni Fajardo, patuloy din ang panawagan nina PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. at Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. sa mga ito na makipag-participate na sa ginagawang preliminary investigation ng mga otoridad.
Kasabay ito ng kanilang pagtiyak na bibigyan din nila ng pagkakataon sina Bantag at iba pang suspek na sagutin ang mga reklamong isinampa laban sa kanila bilang bahagi ng due process.
Samantala, una rito ay tiniyak na rin ni PNP chief Azurin na aktibo silang nakikipag-ugnayan sa Department of Justice at hindi aniya sila titigil sa paghabol sa lahat ng mga indibidwal na nasa likod ng krimen upang mapanagot ang mga ito sa batas at makamit ng pamilya ng biktima ang hustisya’t katarungan sa pagkamatay ng Percy Lapid.