BACOLOD CITY – Muli na namang nagkatensyon sa dalawang bus terminal ng Vallacar Transit Incorporated sa lungsod ng Bacolod kung saan nagkaharap ang magkapatid na Yanson na nag-aagawan sa liderato ng Yanson Group of Bus Companies kaninang umaga.
Maaga pa lang dumating sa Bacolod at North Terminal ang mga pulis upang pangunahan ang pagpalit ng security agency mula sa AGNSA Negros Security Agency patungong AY-76 Security Specialists Incorporated.
Ito ay base na rin sa sulat ni Roy Yanson sa Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) sa Campo Crame na terminated ang kontrata ng AGNSA mula Hulyo 10.
Kaagad na dumating sa north terminal ang Yanson matriarch na si Olivia Villaflores Yanson ay kanyang iginiit na walang karapatan si Roy na palitan ang mga gwardya dahil wala pang desisyon ang korte hinggil sa writ of preliminary injunction sa kanyang pag-upo bilang presidente ng bus companies.
Nagkaharap din ang mag-ina sa Bacolod South Terminal kung saan pinagalitan ni OVY ang kanyang anak sa harap ng media bago umalis.
Makalipas ang higit isang oras, nagkaharap naman sina Roy at ang pinatalsik na presidente na si Leo Rey sa Bacolod North Terminal kung saan nagkasagutan ang mga ito sa harap ng tinatayang isang daang empleyado na nagpi-piket.
Sa tuwing si Roy na ang nagsasalita, bino-boo ito ng mga empleyado na nagche-cheer kay Leo Rey.
Giit ni Leo Rey, sana hintayin nalang ng kanyang kuya ang desisyon ng korte hinggil sa injunction.
Nang umalis na si Roy, nagpatugtog ang mga empleyado ng “If We Hold on Together” at kanilang iginiit ang suporta kay LRY.