Nakahanda na ngayon ang buong hanay ng National Capital Region Police Office para magbantay sa seguridad at kaligtasan sa buong metro manila sa kasagsagan ng paggunita ng araw ng mga patay at araw ng mga santo sa buong bansa simula bukas, Nobyembre 1, hanggang sa Nobyembre 2, 2023.
Kaugnay nito ay magpapakalat ang NCRPO ng kabuuang 14,033 na kapulisan sa 127 sa mga istratehikong lugar kabilang na sa mga sementeryo, columbaria, mga major thoroughfares, transportation hubs, terminals, at iba pang mga lugar na tinukoy bilang mga areas of convergence.
Kabilang sa mga ito ay ang 2,990 na mga contingents mula sa augmentation unit ng Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, Bureau Of Fire Protection, metropolitan manila development authority, at mga force multipliers.
Ayon kay NCRPO Chief PBGEN. Jose Melencio Nartatez Jr., ang naturang mga pulis na ipapakalat sa buong rehiyon ay pawang mga nakahanda na para magpatrol at magbantay sa kani-kanilang mga area of responsibilities upang tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa naturang okasyon.
Kasama sa mga binisita ng naturang mga opisyal ay ang La Loma Cemetery, manila north cemetery, san juan cemetery, at loyola memorial park, at bagbag public cemetery.
Bukod dito ay ininspeksyon din ng opisyal ang mga terminal hubs at iba pang lugar sa metro manila na inaasahang dadagsain pa ng maraming tao.
Samantala, kasabay nito ay patuloy naman ang pagpapaalala ng NCRPO chief sa publiko na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na bagay sa loob ng sementeryo at sundin ang mga alituntuning inilatag ng pamahalaan.