Itinuturing ni Presidential spokesman Harry Roque ang kaniyang sarili bilang isang COVID-19 survivor matapos magpagamot sa ospital.
Kahapon ay inanunsyo ng kalihim na makalalabas na ito sa ospital at nagpasalamat din si Roque sa mga doktor at nurse na nag-alaga sa kaniya.
Sinagot naman ng opisyal ang mga alegasyon na nakatanggap daw ito ng special treatment para ma-admit kaagad sa ospital.
Ayon dito, umabot ng apat na araw ang kaniyang paghihintay bago siya ma-admit sa isang government hospital. Nanatili rin aniya ito sa isang ordinaryong hospital room, taliwas sa mga ispekeulasyon na ginamit daw nito ang kwarto na naka-reserba para sa pangulo ng Pilipinas.
Kwento pa ni Roque, kaagad niyang ipinaalam sa kaniyang mga doktor sa Philippine General Hospital noong nakakaramdam na ito ng sintomas ng COVID-19.
Magugunita na noong Abril 10 nang ianunsyo nito na dinala na siya sa ospital makaraang magpositibo sa coronavirus.