Umapela si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa mga opisyal ng barangay na huwag umaktong “little tyrants” habang pinatutupad ang mga health protocols laban sa coronavirus disease (COVID-19) sa kanilang mga nasasakupan.

Ayon kay Panelo, hindi raw dapat gumamit ng dahas ang mga local officials para turuan ng leksyon ang mga quarantine violators.

Ginawa ni Panelo ang pahayag matapos nitong mabahala sa pagkamatay ng dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang quarantine violators habang pinapairal ng mga otoridad ang mahigpit na lockdown rules para hindi na lalo pang kumalat ang COVID-19 sa bansa.

Kinilala ang mga biktima na sina Ernanie Jimenez at Darren Peñaredondo. Si Jimenez ay namatay sa ospital dahil sa natamong sugat matapos bugbugin ng dalawang barangay security officials, habang si Peñaredondo naman ay namatay matapos siyang utusan ng mga pulis na mag-exercise dahil sa paglabag nito sa curfew.

Hirit ng opisyal na hindi raw nito maintindihan ang iba nating mga kababayan. May ilang barangay tanod daw kasi na kapag nabibigyan ng kapangyarihan ay nagiging malupit.

Napansin din nito na may ilang opisyal na masyadong mahigpit sa pagpapatupad ng curfew at iba pang quarantine rules kahit na ikapapahamak ito ng publiko.

Imbes aniya na gumamit ng dahas, ang suhestyon ni Panelon sa mga local officials ay mag-deploy ng mga sound vehicles na mayroong loudspeakers para paalalahanan ang publiko tungkol sa health protocols.

Dagdag pa nito na maaaring bumuo ang mga alkalde ng maliit na grupo na roronda sa buong komunidad para magbantay.