-- Advertisements --

Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) ukol sa isa na namang investment scheme na tinatawag na JAMSMART.

Pinamumunuan ito ng isang Nino Luis Jamili, na nag-eenganyo sa publiko na mamuhunan kahit walang sapat na pahintulot mula sa SEC.

Nabatid na nag-aalok ito ng “franchise investment program,” kung saan ang isang mamumuhunan ay maari raw kumita ng 300% ng kaniyang ipinuhunan sa loob ng isang taon.

Ang isang mamumuhunan daw ay maaring mag may-ari ng isang outlet sa halagang P75,000.00 para sa 5% na shares ng kompaniya.

Sa bawat 5% na share, maaari syang kumita ng 7% na interes na umaabot sa halagang P5,250.00; P8,750.00 na buwanang kita mula sa nasabing shares at P4,750.00 halaga ng dibidendo para sa kabuuang kita na Php 225,000.00 kada taon.

Sa kabilang banda, maaari ding kumita sa pamamagitan ng 100% Franchising Agreement na nagkakahalaga ng mula P1,500,000, kung saan kikita siya ng buwanang interes na umaabot sa 10% at buwanang porsyento sa kabuuang kita ng prangkisa na umaabot sa 15% na may kabuoang 300% kada taon.

Pero base sa record ng SEC, ang nasabing entity ay walang rehistro o pahintulot mula sa komisyon bilang isang korporasyon o partnership.

Hindi umano otorisado ang Jamsmart upang mangalap ng pamumuhunan o investment sa publiko dahil wala itong kaukulang pahintulot o secondary license upang mangalap o mag-alok ng pamumuhunan o investment, na isang malinaw na paglabag sa mga probisyon ng Securities Regulation Code.