Mariing pinabulaanan ni Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity Sec. Carlito Galvez Jr. na mayroong korapsyon sa decommissioning process ng Moro Islamic Liberation combatants.
Ito ang binigyang-diin ng kalihim kasunod ng pagdiring ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace Unification and Reconciliation kung saan kinuwestiyon ng mga senador ang umano’y mabagal na implementasyon ng decommissioning process.
Paliwanag ni Sec. Galvez, dumadaan sa masusing berepikasyon ang mga benepisyaryo ng kanilang programa bago makatanggap ng Php100,000 na cash assistance.
Ito ay upang masiguro na lehitimo ang mga ito na dahilan naman ng mabagal na proseso.
Direkta kasi aniyang isinusumite ng MILF ang validated na listahan ng mga combatants at firearms sa International Decommissioning Body na kanila muling isinasailalim sa kaukulang berepikasyon at imbentaryo.
Sabi pa ng kalihim, katuwang dito ng International Decommissioning Body ang Verification and Monitoring Assistance Teams na kinabibilangan naman ng mga kinatawan ng Turkiye, Brunei, Norway, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at MILF.
Kaugnay nito ay ipinunto ni Sec. Galvez na ang decommissioning process para sa mga dating MILF combatants ay ibang-iba sa ibang intervention ng pamahalaan tulad ng Balik-Baril Program at Enhanced Comprehensive Local Integration Program.
Kasabay nito ay binanggit din niya na dapat ay batid ng mga mambabatas na ang cash assistance na ipinamamahagi sa bawat combatants ay bahagi ng socioeconomic package na nasa ilalim ng Normalization Program ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Kung maaalala, kinuwestiyon ni Sen. Raffy Tulfo ang umano’y discrepancy at cash grants na ibinibigay sa mga sumukong dating rebelde na umabot sa halagang Php2.6billion kasabay ng pag-akusa na mayroon umanong katiwalian sa decommissioning process nito.
Dahil dito ay pinagsumite naman ni Sen. Jinggoy Estrada ang opisina ni Galvez ng mga dokumento hinggil sa pamimigay ng cash assistance sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front na sumuko at nagbalik loob na sa gobyerno.