
Pansamantala munang itinigil ng mga kinauukulan ang search and rescue operation sa nawawalang eroplano sa Maconacon, Isabela.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ito ay dahil pa rin sa masamang lagay ng panahon sa lugar.
Natukoy ang naturang eroplano bilang RPC1174 Cessna airplane na may sakay na anim na katao.
Ang ikinakasang rescue operations ay pinangunahan na rin ng Philippine Air Force gamit ang kanilang helicopter ngunit una na ring inihayag ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na nagpadala na rin sila ng mga rescue team mula sa PNP-Region 2.
Ayon kay Azurin, kahapon ay sinubukan din hanapin ng mga otoridad ang naturang aircraft sa lugar pero naudlot din ito nang dahil din sa masamang panahon.
Paglilinaw naman ng CAAP, agad nila muling ipagpapatuloy ang kanilang search and rescue operations sa lugar sa oras na gumanda na muli ang lagay ng panahon doon.
Kung maaalala, kahapon unang napaulat na nawawala ang nasabing aircraft matapos na hindi ito makarating sa destinasyon.
Bandang alas-2:15 ng hapon kasi umalis ang naturang eroplano sa Cauayan Airport na dapat ay lalapag sa Maconacon Airport bandang alas-2:45 ng hapon.
Alas-2:19 ng hapon huli itong na-kontak ng air traffic controller sa bahagi ng Naguillian Bridge.















