Nanawagan si Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, Jr. kina dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at Katherine Cassandra Li Ong, na kapwa iniuugnay sa ilegal na operasyon ng POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga na sabihin ang totoo at ilahad ang lahat ng kanilang nalalaman sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) para sa kapakanan ng bansa.
Ayon kay Gonzales kapwa iginigiit nina Guo at Ong na sila ay Filipino, kung totoo ito malaki ang kanilang pananagutan sa ating bansa.
Ang dating alkalde ng Bamban na si Guo ay nahaharap sa patung-patong na kaso kaugnay ng mga aktibidad ng POGO sa kanyang bayan.
Si Guo ay inaresto ng mga awtoridad sa Indonesia, kung saan siya nagtago, at ibinalik sa Maynila noong Biyernes.
Si Guo ay inaasahang haharap sa Senado sa susunod na linggo upang sagutin ang mga alegasyon tungkol sa POGO hub sa Bamban.
Habang si Ong, na nakadetine sa Kamara ay una ng ginisa ng House Quad Committee na nagsisiyasat sa mga ilegal na POGO operations, kalakalan ng ilegal na droga, at extrajudicial killings (EJKs) na naganap sa madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sa pagdinig ng joint panel noong Miyerkules, isinugod sa hospital si Ong dulot ng unstable blood pressure level habang inuusisa ng mga mambabatas sa Kamara.
Ayon kay Gonzales, maaaring nakaranas ng matinding pressure si Ong mula sa mga tao o grupo na nasa likod ng ilegal na POGO.
Sa pagdinig noong Miyerkules, sinabi ni Ong na mayroon siyang 58 porsyentong bahagi sa korporasyong nagmamay-ari ng malawak na lupa sa Porac, kung saan itinayo ang 46 na gusali, isang mansyon, at iba pang istruktura ng POGO operator na tinukoy bilang Lucky South 99.
Bagama’t inaming siya ay nakipag-ugnayan sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) bilang kinatawan ng Lucky South 99, patuloy na itinatanggi ni Ong ang pagkakasangkot sa operasyon ng POGO.
Ayon sa PAGCOR, isa lang ang gusaling binigyan nila ng lisensya bilang POGO sa Porac hub at hindi na nila ni-renew ang lisensya nito.
Dismayado si Gonzales dahil naapektuhan ang reputasyon ng Pampanga dahil sa ilegal na operasyon ng POGO sa Porac, kung saan nasamsam din ang P3.6 bilyong halaga ng shabu sa isang warehouse sa Mexico noong Setyembre 2023, at ang pagkakatuklas ng P1.3 bilyong halaga ng ilegal na droga sa isang abandunadong sasakyan sa Mabalacat City noong Agosto ng taong iyon.
Sa pagdinig noong Miyerkules, hinimok ni Gonzales si Ong na isiwalat ang katotohanan subalit naging maingat ito sa kanyang pagsagot at hindi nagbibigay ng detalyadong impormasyon.
Si Gonzales ang pangunahing tagapagtaguyod ng pinagsamang imbestigasyon ng apat na komite tungkol sa mga POGO, ilegal na droga, at extrajudicial killings (EJKs) at ang may akda ng resolusyon upang imbestigahan House Committee on Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang pagkakasamsam ng P3.6 bilyong halaga ng shabu sa bayan ng Mexico.