Ginisa ng mga senator-judge ang itinuturing na hostile witness na si Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta sa pagpapatuloy ng interjections sa ika-17 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Binuksan ni Senator-Judge Francis “Kiko” Pangilinan ang pagtatanong hinggil sa kung maituturing bang opisyal na disbursement ang pagbibigay ng confidential funds kay Col. Raymund Lachica, o kung ang tunay na disbursement ay ang mismong pagbabayad sa mga confidential informant at operasyon.
Bagama’t iginiit ni Acosta na disbursement mula sa kanyang panig ang pagre-release ng pondo kay Lachica, inamin nitong may obligasyon pa rin siya bilang accountable officer.
Hindi naman nakumbinsi si Pangilinan at sinang-ayunan ni Senate President Sherwin Gatchalian na walang sapat na hawak na dokumento si Acosta para patunayang tama ang naging paggasta, bukod pa sa hindi ito personal na sumaksi sa pag-aabot ng pera sa mga sinasabing recipient.
Kinuwestiyon din ni Senator-Judge Erwin Tulfo kung bakit hindi binalaan ni Acosta si Lachica at ang Pangalawang Pangulo ukol sa mga kaduda-dudang pangalan tulad nina “Piattos,” “Chipi Macdonald,” at “Belat” na isinumite sa liquidation report para sa Commission on Audit (COA).
Sinundan ito ng maanghang na pagtatanong ni Senator-Judge Raffy Tulfo kung itinuturing ba ni Acosta ang kanyang sarili bilang “smart, average, o stupid.”
Nang sumagot ang testigo na “average” lamang siya, binigyang-diin ng senador na ang isang karaniwang tao ay agad magdududa sa mga pekeng pagkakakilanlan sa Acknowledgement Receipts.
Nang igiit ni Acosta na sumunod lamang siya dahil sinabi ni Lachica na confidential ang operasyon, tahasang tinawag ni Tulfo si Acosta na “stupid in the name of blind loyalty” dahil sa bulag na pagsunod sa mga opisyal.
Ikinadismaya naman ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson ang naging tugon ni Acosta dahil wala umano siyang nakuhang malinaw na sagot matapos ang paulit-ulit na pagdadahilan ng testigo na ipinagkatiwala lamang niya ang confidential and intelligence funds kay Lachica alinsunod sa utos ni Duterte.
Samantala, binusisi ni Senator-Judge Joel Villanueva ang naging kalakaran ni Acosta mula noong SDO pa ito sa Davao City Mayor’s Office hanggang sa OVP.
Pinuna ni Villanueva na sa kabila ng inilabas na Audit Observation Memorandum, Notice of Suspension, at Notice of Disallowance ng COA, hindi pa rin nagbago ng sistema si Acosta dahil tila naging komportable na ito sa kanyang nakagawian sa Davao kung saan hindi siya nagkaroon ng aberya.
Sa huli, inamin ni Acosta sa pagtatanong ni Senator-Judge Risa Hontiveros na batid niyang siya ang pangunahing mananagot at maaaring maharap sa kaukulang kaso kapag napatunayang may iregularidad sa paggamit ng pondo, subalit buo pa rin umano ang kanyang tiwala kay Vice President Duterte.
















