Tinanggal ng Supreme Court (SC) sa kanyang puwesto ang isang huwes na sangkot sa umano’y kuwestiyonableng annulment cases decisions.
Unanimous daw ang naging desisyon ng SC na may petsang Setyembre 1 na i-dismiss si Judge Raphiel F. Alzate, Acting Presiding Judge ng Cabugao, Ilocos Sur Regional Trial Court (RTC), Branch 24 at Bucay, Abra RTC, Branch 58.
Sa per curiam decision, nakasaad ditong guilty ng gross ignorance of the law at gross misconduct si Alzate.
Dahil sa naging desisyon ng Korte Suprema, perpetually disqualified na ito sa paghawak ng ano mang posisyon sa public office at forfeited na ang lahat ng kanyang benepisyo maliban na lamang sa mga leave benefits.
Ang dismissal kay Alzate at immediately executory.
Maliban dito, pinaiimbestigahan din ng kataas-taasang hukuman sa Office of the Bar Confidant si Atty. Ma. Saniata Liwliwa G. Alzate, asawa ni Judge Alzate na law practitioner sa Abra dahil umano sa sinasabing pagkakasangkot nito sa mga kuwestiyonableng desisyon sa annulment of marriage cases na inisyu ni Judge Alzate.
Nag-ugat ang dismissal ni Alzate sa lumabas na mga report na nakarating sa Office of the Court Administrator (OCA) na siyang nagsagawa ng judicial audit sa Cabugao, Ilocos Sur RTC.
Kinumpirma ng OCA audit team ang mga report na nag-iisyu si Judge Alzate ng mga desisyon sa nullity of marriage para sa financial considerations kahit hindi na umano nasunod ang rules of procedures sa declaration of nullity ng marriage cases.
Nakilala at kinumpirma umano ng OCA ang mga kasong kinasasangkutan ng ilang partido na hindi naman mga residente ng munisipalidad at wala sa territorial jurisdiction o sala ni Judge Alzate.
Naobserbahan din umano ng OCA ang sobrang taas ng mga kaso ng nullity of marriage na naihahain at agad nadedesisyunan noong si Judge Alzate na ang Acting Presiding Judge ng Cabugao, Ilocos Sur RTC noong 2016 kumpara sa mga nakaarang taon.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng OCA na ganito rin ang gawain ni Alzate sa mga kasong nakabinbin sa Bucay, Abra RTC.
Binigyang bigat ng Korte Suprema ang finding ng OCA at sinabing dapat ay ni-require manlang ni Judge Alzate sa magkabilang partido na magsumite ng kanilang respective proof of residency gaya na lamang ng utility bills o government-issued ID na siya ngayong requirements na dapat na naka-attach sa mga petitions bilang pagsunod sa OCA Circular 63-2019 kaugnay ng Guidelines to Validate Compliance with the Jurisdictional requirement o ang A.M. No. 02-11-10-SC, Rule on Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages and Annulment of Voidable Marriages.
Natuklasan din ng korte na ipinagpapatuloy pa rin ni Alzate ang mga court hearings at dinidesisyunan ang mga ito kahit walang record na ang mga kaso ay dumaan sa pre-trial na paglabag sa Section 11 ng A.M. No. 02-11-10-SC, nakasaad ditong ang pre-trial ay mandatory.
Dahil sa mga ginawa ni Alzate, sinabi ng SC na hindi lamang ang isyu ng lack of familiarity sa batas ang nalabag ng huwes kundi pati ang gross ignorance of the law.
Nilabag pa raw ni Alzate ang Code of Judicial Conduct na nag-uutos sa mga huwes na isabuhay ang integridad ng Judiciary, iwasan ang mga walang kabuluhang bagay at gawin ang kanilang trabaho ng tapat at samahan ng pagsisipag.