Ipinag-utos na ng Supreme Court (SC) na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) ang pagbibigay ng kopya ng kanilang October 15, 2019 resolution sa Commission on Elections (Comelec) at sa Office of the Solicitor General (OSG).
Partikular ang kautusan na nag-aatas na ilabas ang resulta ng recount ng mga boto sa tatlong pilot provinces sa vice presidential electoral protest ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Inatasan din ng Korte Suprema ang Comelec na mag-report sa kanila hinggil sa kung may naihain bang petitions for failure of elections sa Lanao Del Sur, Basilan at Maguindanao.
Maging ang resolusyon kung granted o denied ba ang nasabing mga petisyon.
At kung nagkaroon ba ng special elections sa mga nabanggit na lugar at pang-apat ay ang resulta ng isinagawang special elections.
Inatasan din ng SC ang Comelec na magkomento sa loob ng 20 araw mula sa kanilang pagtanggap ng kopya ng resolusyon may kaugnayan sa 3rd cause of action ng election protest.
Partikular na rito ang annulment ng elections sa ground ng terrorism, pananakot at panggigipit sa mga botante at ang hinggil sa sinasabing pre-shading sa mga balota sa Lanao Del Sur, Basilan at Maguindanao.
Pinagkokomento rin ng kataas-taasang hukuman ang Comelec at OSG sa loob ng 20 araw hinggil sa mga sumusunod.
Kaugnay rito ang isyu kung ang tribunal ba ang ginagarantiyahan ng Constitution na magdeklara ng annulment of elections na wala nang special elections at ang failure of elections at ang pagsasagawa ng special elections.
At pangalawa, kung malalabag ba ang konstitusyon kung mag-uutos ang tribunal ng declaration of failure of elections at nag-utos ng pagdadaos ng special elections sa ilalim ng Article IX (C) (Sec. 2) ng Constitution.
Pinakokomento naman ang kampo nina Marcos at Robredo sa loob ng 15 araw kapag natanggap na nila ang isusumiteng sagot ng Comelec at OSG.