-- Advertisements --
Supreme Court

Nagsimula ang Korte Suprema (SC) ngayong araw sa pagre-recruit ng mga abogado at empleyado ng hudikatura para kumilos bilang lokal na tauhan sa 2023 online at regionalized Bar examinations.

Ang nasabing Bar exam ay itinakda sa September 17, 20, at 24 sa 14 na testing center sa buong bansa.

Sa isang notice na inilabas ni Office of the Bar Confidant Officer-in-Charge Amor P. Entila, ang mga aplikasyon ay tatanggapin ng SC hanggang Hulyo 20.

Ang mga lokal na tauhan para sa Bar exams ay magsisilbing floor supervisor, head proctors, proctors, at runners.

Ang mga kwalipikasyon para sa mga posisyon ay – abogado na may magandang katayuan sa labas ng hudikatura, o isang kasalukuyang empleyado ng Hudikatura, kabilang ang mga may permanentent, coterminous, at casual status.

Gayundin na dapat ganap na nabakunahan laban sa Covid-19 at nakatanggap ng hindi bababa sa isang booster dose sa oras ng aplikasyon.

Sinabi ng SC na upang ganap na matanggap, kakailanganin nilang dumalo sa mga online session ng pagsasanay, na maaaring naka-schedule na hindi office hours.

Una nang inanunsyo ng SC ang 14 testing centers sa buong bansa na pagdadausan ng 2023 Bar examination.