
Naghain ng “strong manifestation” sa Korte Suprema ang natalong 2016 vice presidential candidate na si dating Sen. Bongbong Marcos para mag-inhibit sa kanyang electoral protest si Associate Justice Marvic Leonen.
Batay sa mosyon ni Marcos, hiniling din nito sa Supreme Court na mare-raffle o mailipat sa ibang Associate Justice ang paghawak sa kanyang electoral protest laban sa nanalong Vice President Leni Robredo.
Kabilang sa grounds o pinagbatayan ng kampo ni Marcos sa hiling na inhibition ay ang dissenting opinion ni Leonen sa burial case ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon sa kanya, malinaw na may “palpable bias and partiality” o may pinapanigan si Leonen laban sa mga Marcos.
Binanggit din ng dating senador na ground for inhibition ang artikulong lumabas sa pahayagan na The Manila Times kung saan nakasaad, na bago pa nailipat ang assignment ng electoral protest case kay Leonen ay kinukumbinse na nito ang iba pang miyembro ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na ibasura agad ang kaso.
Noong 2018 nang humiling din si Marcos sa Supreme Court na mag-inhibit sa kaso si Associate Justice Benjamin Caguioa.
Pero ibinasura ito ng en banc, kasabay ng pagbibigay babala sa dating senador hinggil sa posibleng kahinatnan ng kaso kapag nagbato muli ito ng akusasyon laban sa PET nang walang matibay na basehan.
Sa ngayon wala pang tugon ang kampo ni VP Robredo sa panibagong hirit ni Marcos.















