-- Advertisements --

Mahigpit ngayon ang bilin ng Supreme Court (SC) na kailangan nang palayain ang dalawang kababaihan na hinatulang guilty ng regional trial court (RTC) noong pang taong 2013 dahil umano sa pagkakasangkot ng mga ito sa iligal na droga dahil sa isyu ng technicality.

Sa desisyon ng SC na may petsang Disyembre 2 noong nakaraang taon at inilabas lamang noong Enero 21, kailangan na umanong palayain sina Rosalina Manzanilla at Arlene Anonuevo na parehong residente ng Binangonan sa Rizal.

Ipinunto sa desisyon ng Korte Suprema na bigo umano ang mga prosecutors na patunayan na guilty talaga ang dalawang suspek matapos labagin ng mga pulis ang procedure sa paghawak ng nasabat na iligal na droga.

Partikular umanong nilabag ng mga pulis ang seizure, custody at handling sa mga nakumpiskang droga kaya lalo itong lumikha ng pagdududa kung talagang guilty ang mga suspek.

Maliban dito, isinagawa umano ang inventory at pagkuha ng larawan sa dalawang suspek sa police station para sa kanilang imbestigasyon na wala ang presensiya ng dalawa sa tatlong required witnesses o ang representative mula sa media at Department of Justice (DoJ).

Nakasaad din sa desisyon na mayroong pirma sa reklamo ang isang elected official sa inventory receipt pero aminado naman itong hindi niya personal na nasaksihan ang inventory at pinirmahan lang ang naturang inventory receipt noong sumunod na araw.

Dahil dito, agad ipinag-utos ng SC ang pagpapalaya sa mga suspek na walong taon nang nakulong sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City maliban na lamang kung mayroon pa silang ibang kinahaharap na mga kaso.

Abril 23, 2012 nang makuha sa dawala ang plastic sachet na naglalaman ng 0.08 grams ng shabu sa isang drug operation sa Binangonan.

Matapos ang halos isang taong paglilitis ng Binangonan RTC ay hinatulan ang dalawa ng habang buhay na pagkakabilanggo at multang tig-P500,000.