-- Advertisements --

Binigyang diin ng kataastaasang hukuman o Korte Suprema na maaring hindi na umano kailanganin pa ang sulat na paunawa kung alam naman na ng co-owner ang patungkol sa pagbebenta ng ari-arian.

Ito ay kapag bigong gamitin ng kapwa may-ari ang kaparapatan nitong tubusin ang bahaging naibenta na sa loob ng 30 araw.

Ngunit iginiit ng Korte Suprema na dapat magbigay ang isang kapwa may-ari sa kanyang iba pang mga co-owner bago isagawa ang pagbebenta sa kanilang bahagi ng ari-arian.

Sa isinulat na desisyon ni Supreme Court Chief Justice Alexander G. Gesmundo, ibinasura ng unang dibisyon ng Korte ang petisyon na inihain kamakailan nina Antonio Azurin Jr. at Rafael Azurin na bilhin muli ang isang bahagi ng lupain na nakarehistro sa ibang pangalan.

Ang magkapatid na Azurin at ang kanilang tiyahin na si Adelaida ay mayroong pagmamay-aring lupa ngunit ibinenta ng kanilang tiyahin ang kanyang bahagi ng lupa.

Ngunit sinubukan ng dalawang magkapatid na ito’y tubusin sa inihaing reklamo subalit ito’y isinantabi ng Regional Trial Court ng kanilang lugar dahil ilang taon na ang nakalipas.

Kinatigan ito ng Court of Appeals habang ang apela naman nila sa Korte Suprema ay siyang tinanggihan ng kataas-taasang hukuman.

Bunsod nito’y nabigyan linaw na ang isang co-owner na nais magbenta ng kanyang parte ng pagmamay-ari ay nararapat lamang na kanya itong ipagbigay alam sa kapwa may-ari.

Ngunit mayroon lamang 30 araw ang iba pang mga co-owner mula sa pagkakatanggap ng sulat ng paunawa para ito’y muling bilhin at tubusin ang bahaging naibenta na sa ikatlong partido.

Kaya’t kung natapos na ang nakatakdang araw para kanila itong matubos, mabibigo at mawawalan na umano ng karapatan na mabili itong muli ang mga co-owner.