-- Advertisements --

Ibinasura ng Supreme Court En Banc ang petisyon na inihain ni dating Senate President at kasalukuyang Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na humihiling sa Mataas na Hukuman na hikayatin ang Sandiganbayan na aksyunan ang kanyang kasong plunder at ibasura ito.

Kayat pinahintulutan ng Korte Suprema ang Sandiganbayan na magpatuloy pa rin sa paglilitis nito sa P172 million plunder case laban kay Enrile.

Sa 32-pahinang desisyon, sinabi ng korte na dapat pahintulutan ang prosekusyon na magpakita ng ebidensya batay sa sarili nitong pagpapasya at alinsunod sa batas at mga tuntunin. Ito ay may karapatan din umanong tukuyin kung anong ebidensya ang dapat iharap, kailan, at para sa anong mga layunin.

Una na ngang ikinatwiran ni Enrile sa kanyang petisyon na nilabag umano ng Sandiganbayan ang kanyang karapatan sa konstitusyon sa pamamagitan ng pagtangging limitahan ang ebidensya ng prosekusyon sa mga usaping nakasaad sa Bill of Particulars at isama ang Bill of Particulars sa Pre-Trial Order.

Subalit taliwas sa sinasabi ni Enrile, sinabi ng Korte Suprema na kumilos ang Sandiganbayan alinsunod sa batas at jurisprudence.

Sinabi ng SC na hindi na kailangang isama ang Bill of Particulars Decision sa Pre-Trial Order.

Ang usapin aniya ng pagpresenta ng ebidensiya ng prosekusyon ay hindi ang korte ang magdedesisyon dahil may discretion o sariling pagpapasya ang prosekusyon upang matukoy kung paano iharap ang kaso nito at may karapatan itong pumili kung sino ang nais nitong iharap bilang mga testigo.