-- Advertisements --

Kinumpirma ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na tuloy na ang paglalaro ng Filipino-American at NBA player na si Jordan Clarkson sa Gilas Pilipinas sa susunod an buwan kaugnay sa 2023 FIBA World Cup.

Ginawa ng SBP ang statement matapos na una itong iulat ni head coach Chot Reyes.

Gayunman wala doon sa pahayag ng SBP kung ang management ng Utah Jazz, FIBA at NBA ay meron ng release order o pagpayag sa muling paglalaro ni Clarkson sa national team ng Pilipinas.

Nilinaw naman ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na si Clarkson ay magiging bahagi ng Gilas sa World Cup sa susunod na taon at gayundin sa fourth window sa laro laban sa Lebanon na gagawin doon sa Beirut sa Aug. 25 at kontra sa team ng Saudi Arabia na gaganapin naman sa MOA Arena sa Aug. 29 para World Cup sa Asian qualifiers.

Pagkatapos nito sa Oktubre ay hindi na pupuwede si Clarkson bunsod ng pagsisimula na ng NBA season.

Dahil dito, pipilitin daw ng SBP na makuha naman si Kai Sotto para makasali sa susunod na tatlong windows ng FIBA, maging sa SEA Games at sa World Cup.

Kung maalala huling naglaro ang 6th Man of the Year ng NBA na si Clarkson ay noong 2018 Asian Games kung saan natalo ang Pilipinas sa South Korea sa quarterfinals round.