NAGA CITY- Bumisita ngayon sa Naga City ang grupo mula sa central office ng Department of Education (DepEd) na pinamumunuan ni USec. Revsee Escobedo at USec. Alain Pascua para sa pag-monitor at inspection sa mga pinsalang natamo ng mga paaralan dahil sa supertyphoon Rolly.
Sa opisyal na pahayag ng DepEd-Bicol, napag-alaman na ipinamahagi ng grupo sa Schools Divisions Office Naga City ang nasa 16 laptops, dalawang drones, isang pick-up vehicle at learning kits.
Kaugnay nito labis na nagpapasalamat si Schools Division Office Naga City Engr. Junmar Rey Aguilar sa mga IT equipment at sasakyan na ibinahagi ng Kagawaran ng Edukasyon na malaking tulong aniya sa kanilang gagawing task force para sa probinsya ng Catanduanes na lubos na naapektuhan ng pagdaan ng bagyong Rolly.
Ayon mismo kay Engr. Aguilar, hindi lamang umano ang mga engineer ang maaring gumamit ng naturang mga kagamitan, kundi pati na rin ang mga DepEd personnel na mangangailangan.
Sa ngayon, plano naman ng grupo na magtungo sa iba pang parte ng Bicol upang magbigay tulong sa mga paaralang naapektuhan ng nasabing kalamidad.