Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas na mayroong sapat na supply ng cash sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette.
Sa isang statement, sinabi ng BSP na committed silang matugunan ang currency demands sa mga probinsya na higit na tinamaan nang pananalasa ng Bagyong Odette upang sa gayon ay makabangon din ang mga ito sa lalong madaling panahon.
Base sa datos ng gobyerno, ilang milyong piso ang nawala at nasa 258 katao ang namatay nang manalasa ang Bagyong Odette sa central at southern parts ng bansa.
Ayon sa BSP, sa kabila ng problema sa kuryente at internet connections sa mga apektadong lugar, patuloy naman ang trabaho ng kanilang branches at opisina para matugunan ang mga pangangailangan ng mga bangko sa Visayas at Mindanao.
Handa rin anila silang umagapay sa mga bangko pagdating sa tellering services kung kinakailangan.
Pinatitiyak din ng BSP sa mga bangko sa Visayas at Mindanao ang pagkakaroon ng sapat na mga hakbang para matiyak ang availability ng cash sa mga automated teller machines para sa mga nangangailangang kliyente.