KORONADAL CITY – Nasa state of decomposition na ang isang sanggol nang matagpuang palutang-lutang sa irrigation canal sa bahagi ng Purok Gensan, Brgy. Guinsang-an, Sto. Niño, South Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Maj. Sherwin Panaguiton, hepe ng Sto. Nino MPS sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Panaguiton, walang suot na damit ang sanggol kung saan makikita pa na may umbilical cord pa ito at pinaniniwalaang bagong silang lamang nang itinapon sa kanal.
Dagdag pa ng opisyal, posibleng malaking kahihiyan sa pamilya ang nagtulak sa ina o magulang ng sanggol kung bakit nila ito itinapon.
Ngunit, hindi umano ito makatarungan at dapat lamang na panagutan ng mga ito ang pagpatay sa sanggol.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa natagpuang sanggol at inaalam kung sino ang ina nito.