-- Advertisements --
image 433

Ibinasura ng Sandiganbayan ang kaso sa ill gotten wealth o nakaw na yaman laban kina yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr, dating First lady Imelda Marcos at kanilang associates.

Batay sa ruling ng anti-graft court Second Division, nabigo ang nagsasakdal o prosekusyon na patunayan ang mga alegasyon sa inamyendahang reklamo partikular na para patunayan na ill-gotten wealth nga o nakaw na yaman ang ari-arian ng pamilya Marcos.

Nilagdaan ni Associate Justice Arthur Malabaguio ang 45 pahinang resolusyon at sinang-ayunan naman ito nina Associate Oscar Herrera Jr. at Edgardo Caldona.

Una rito, sa inihaing Civil Case No. 0014 noon pang1987, nilalayon nito na bawiin ang ilang assets at properties na pagmamay-ari nina
Modesto Enriquez, Trinidad Diaz-Enriquez, Rebecco Panlilio, Erlinda Enriquez-Panlilio, Leandro Enriquez, Don Ferry, Roman Cruz Jr. at Gregorio Castillo, na lahat ay mga dummies umano o associates ng pamilya Marcos.

Kabilang dito ang mga kompaniya na Ternate Development Corp., Monte Sol Development Corporation, Olas del Mar Development Corporation, Fantasia Filipina Resort, Inc., Sulo Dobbs, Inc., Philippine Village, Inc., Silahis International Hotel, Inc., Hotel Properties, Inc., Puerto Azul Beach and Country Club, at Philroad Construction Corporation.

Subalit nakasaad sa desisyon ng Sandiganbayan na wala sa iprinisentang mga dokumento ng prosekusyon sa korte ang nagpapakita na mayroong interes o kontrol ang nakakatandang Marcos at dating unang ginang sa nasabing mga korporasyon.

Gayundin ang testimoniya ng nag-iisang testigo ng prosekusyon, records custodian ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ay pinawalang bisa matapos na matukoy na walang personal na kaalaman ang unang ginang sa katotohanan ng mga dokumento na iprinisenta sa korte.

Ayon pa sa korte ang bulto ng mga dokuentary evidence na iniharap ng nagsaskdal ay pawang photocopies lamang ng mga dokumento sa kustodiya ng PCGG kung saan karamihan ay halos hindi mabasa.

Bunsod ng kabiguan kasi ng nagsasakdal na sumunod sa Best Evidence Rule, tinanggihan ang testimonial at documentary evidence ng nagsasakdal sa pagiging hearsay o sabi-sabi lamang at hindi sinusuportahan ng ebidensiya.