Itinuturing na ng isang political analyst sa isang iskandalo ang nangyayari ngayon sa House of Representatives na mayroong 29 na House deputy speaker.
Ayon sa batikang political analyst na si Mon Casiple hindi kailangan ng ganoong karaming deputy speaker ng Mababang Kapulungan dahil wala naman itong naipakitang nagagawa, habang dumarami ang itinatalagang deputy speaker ay dumarami lamang ang gastos.
Malinaw umano na ang nangyayari ay political accommodation, nabigyan ng puwesto ang mga kongresista na naging instrumental sa pag-upo bilang House Speaker ni Velasco.
Siyam pang sumuporta kay Velasco sa speakership row ang niregaluhan nito ng Deputy Speakership, ang 29 kabuuang bilang ng Deputy Speaker ang siyang pinakamataas sa kasaysayan ng Kamara.
Ang siyam na bagong deputy speaker ay sina Arnolfo Teves Jr, Negros Oriental 3rd District; Rimpy Bondoc, Pampanga 4th District; Bernadette Herrera Dy, Bagong Henerasyon; Kristine Singson Meehan, Ilocos Sur 2nd District; Divina Grace Yu, Zamboanga del Sur 1st District; Rogelio Pacquiao, Sarangani; Bienvenido Abante Jr, Manila 6th District at ang dalawang kapwa kinatawan ng Valenzuela na sina 2nd District Rep.Weslie Gatchalian at 1st District Rep Eric Martinez.
Si Teves na isang dating self-confessed drug user ang siyang unang nagpalutang sa isyung hindi patas na hatian sa pondo ng mga mambabatas sa ilalim ng pamumuno ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano subalit nang maipasa ang P4.5 trillion 2021 budget sa ilalim ng pamumuno ni Velasco ay lumitaw na mas tumaas pa ang budget ng mga kongresista na nabigyan ng P650 million hanggang P15 billion bawat isa na infrastructure allocation.
Si Las Pinas Rep. Camille Villar ay itinalaga din bilang deputy speaker subalit tinanggihan nya ito, sa website ng Kamara ay makikita pa rin ang pangalan ni Villar bilang Deputy Speaker, kung hindi tatanggapin ni Velasco ang kanyang pagtanggi sa pwesto ay nasa 29 ang deputy speakers.
Ang deputy speakership ay isang plum post sa Kamara dahil bukod sa pagiging senior position ay may kaakibat din ito na mga perks gaya ng budget na P200 million at pagkakaroon ng voting powers.
Una nang ipinaliwanag ni UP Political Science Assistant Professor Jean Franco na habang dumarami ang deputy speaker ay nadaragdagan din ang gastos, halimbawa umano, kapag itinalagang deputy speaker ay magkakaroon ng opisina, dagdag na staff at budget.
“Aside from the regular office budget one enjoys simply for being a congressman. You have your own budget you, can have at least 6 staff tapos meron ka pang district staff.Pag may committee, that’s additional budget and of course, you’re able to travel, may perks of travelling. Aside from having a staff, you have a budget also sa district office mo,” nauna nang paliwanag ni Franco.
Sa 2017 report ng Commission on Audit (COA) lumilitaw na P4.89 billion ang nagastos sa mga expenses sa mga tanggapan ng mga kongresist
Ito ay para lamang sa 14 na deputy speaker noon na tiyak na dodoble ngayong 29 na ang deputy speakers.