-- Advertisements --
cayetano1
Cayetano

Umaasa si Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) chair at House Speaker Alan Peter Cayetano na maiuuwi ng Pilipinas ang kampeonato sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Gayunman, aminado rin ito na maaaring makaapekto sa performance ng mga atletang Pilipino ang iba’t ibang kontrobersiya sa SEA Games na nagsulputan kamakailan.

Sinabi ni Cayetano na nakakaapekto ang timing nang paglutang mga kontrobersiyang ito sa kakayahan ng Pilipinas na makuha ang unang puwesto sa medal tally.

Wala aniyang ibang maaring sisihin dito kundi ang mga kritiko lamang ng SEA Games hosting ng Pilipinas.

Kung maaalala, sa mga nakalipas na araw ay binatikos nina dating Pangulong Benigno Aquino III at Senate Minority Leader Franklin Drilon ang P50-milyong “cauldron” na gagamitin sa SEA Games.

Ayon kina Aquino at Drilon, masyadong mahal ang naturang halaga na maaari sanang inilaan na lamang sa pagtayo ng mga silid aralan.