-- Advertisements --

Suportado ng private sector initiative na Project ARK (Antibody Rapid Test Kit) ang paggamit ng bagong COVID-19 technology mula Israel.

Ang bagong test na ito ay gumgamit ng hininga at laway ng isang indibidwal upang isailalim sa coronavirus test.

Kokolektahin ang breath aerosols sa pamamagitan ng biosafety station, isang uri ng makina kung saan ilalagay ang mga samples.

Mas mabilis daw kasi itong maglabas ng resulta at kaya rin nitong ma-detect ang asymptomatic COVID-19 cases sa mga indibidwal na dalawang araw pa lamang natatamaan ng naturang virus.

Ang saliva test naman ay kukunin sa pamamagitan ng gargling o pagmumog ng isang standardized saline solution.

Nais ng Project ARK na makuha ang approval mula sa national government upang simulan sa Pilipinas ang clinical trials ng mga nabanggin na testing technologies.

Layunin umano ng grupo na madagdagan pa ang testing capacity sa bansa at gayundin ang makatulong sa mga airlines na kakailanganing i-test ang kanilang mga pasahero.

Ayon kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, dadating ang panahon na unti-unting papayagan ang ating mga kababayan na umuwi pabalik sa kanilang mga probinsya.

Sa kabila nito ay kailangan pa rin aniyang siguraduhin na magiging ligtas ang pagbubukas muli ng ekonomiya,

Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na kasalukuyan nang inaaral ng kanilang mga eksperto ang bagong COVID test ngunit sa ngayon ay ginagamit pa rin ng ahensya ang polymerase chain reaction test (RT-PCR test).