-- Advertisements --

Tiniyak ni Albay Representative Joey Salceda na sisikapin ng Ad hoc Committee on Military and Uniformed Personnel (MUP) Pension Reform na makabuo ng panukalang MUP Pension Reform Bill bago ang deliberasyon ng 2024 National Budget sa plenaryo.

Si Salceda ay siya ring chairman ng ad hoc committee at sinabing nagkasundo na ang ehekutibo at liderato ng Kamara sa magiging porma ng panukala.

Subalit binigyang-diin ni Salceda na kanila pa rin pakikinggan ang panig ng iba pang stakeholders upang mapaganda pa lalo ang MUP Pension Reform Bill.

Dagdag pa ni Salceda, sa napagkasunduang bersyon ay matitiyak ang taunang taas sahod ng mga MUP, indexation ng pension, at pampondo sa pension system.

Kabilang sa key features ng panukala ay ang 3% annual salary increase sa susunod na 10 taon; indexation ngunit lilimitahan lamang sa 50% ng salary increase ng active MUP; contribution scheme; at pagtatatag ng MUP Trust Fund.

Sa kabilang dako, pinuri ni Finance Secretary Benjamin E. Diokno ang pagbuo ng ad hoc Committee on the Military and Uniformed Personnel (MUP) Pension Reform.

“I thank the House, led by Speaker Martin Romualdez, for swiftly acting on this, and Representative Joey Salceda for leading the charge in crafting a pension system that our MUP retirees can look forward to in their retirement. I trust that the Committee will be able to come up with a reasonable solution that is mutually acceptable to all parties involved,” pahayag ni Secretary Diokno.

Ayon kay Salceda, matapos ang mahigit isang buwang konsultasyon sa mga MUPs, tinatrabaho na ngayon ng economic team sa pakikipag tulungan ng mga mambabatas na bumuo ng isang fair, reliable, sustainable at financially sound pension system na magagarantiya na masuportahan ang mga pangangailangan ng mga MUP-retirees at ng kanilang mga dependents.