Hinimok ng beteranong ekonomista na si House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na irekomenda na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdeklara ng state of calamity sa ilang rehiyon kasunod nang pananalasa ng Bagyong Odette.
Sa pamamagitan kasi aniya nang deklarasyon na ito ay makakapagpatupad ng mga mahahalang hakbang tulad ng pagpapatupad ng prive freeze, reprogramming ng pondo para sa pagkumpuni ng mga napinsalang imprastraktura, at pagbibigay ng no-interest loans ng mga government financial institutions.
Bukod dito, magagamit din ng pamahalaan ang quick response funds nito, ang pondo ng NDRRMC, at ang Contingent Funds din ng Pangulo mismo.
Iginiit ni Salceda na mayroong sapat na pera ang pamahalaan para gamitin sa pagtulong sa mga sinalanta ng bagyo.
Sa pondo lang ng NDRRMC at ng Contingent Funds ng Pangulo, sinabi ni Salceda na mayroon pang P6.5 billion na available fund balances.
Nakikita rin ng kongresista na maaring gamitin ang Presidential Social Fund, na isang off-budget, na maaring gamitin ni Pangulong Duterte sa lalong madaling panahon kasunod nang pag-remit ng PAGCOR ng nasa P2 billion para sa Social Fund.