Isinusulong ni House Committee on Ways and Means chairman at Albay Rep. Joey Salceda na magkaroon ng hiwalay na “senior citizen insurance program” o S-CHIP sa ilalim ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth.
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Health, isinalang na ang House Bill 52 na may akda si Salceda o ang Philhealth Reform Act, kung saan nakapaloob ang panukalang S-CHIP.
Inihayag ni Sqlceda na mismong si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang nagsabi na dapat na alagaan ang mga senior citizen sa bansa.
Aminado ang ekonomistang mambabatas na sa kasalukuyang kaso ng mga senior citizen nakalulungkot na kung sino pa ang walang pera, sila pa ang malaki ang kailangang bayaran sa mga ospital. Wala rin silang “best cards”, hindi nakapag-ipon ng sapat na pera, at mahihirap.
Dahil dito sinabi ni Salceda panahon nang magkaroon ng insurance program para sa mga senior citizen.
Paliwanag ni Salceda, ang S-CHIP ay maaring pondohan sa pamamagitan ng bagong “sin taxes” at kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o Pagcor, at Philippine Charity and Sweepstakes Office o PCSO.
Dagdag ni Salceda, maaarin din na kumuha ng pondo sa “excess funds” ng Philhealth.