-- Advertisements --

Aabot ng P78.7 billion ang kabuuang halaga ng perang naipuslit papasok ng bansa noong nakaraang taon.

Sinabi ito ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda sa kanilang pagdinig sa House Bill No. 6516 na naglalayong higpitan ang pagpapataw ng parusa sa hindi iligal na pagpuslit ng foreign currency sa Pilipinas.

Ayon kay Salceda, P28.6 billion sa kabuuang P78.7 billion ay ipinuslit ng apat na sindikato, habang P50.1 billion naman ang hindi pa nakikita hanggang ngayon.

Binigyan diin ni Salceda na kailangan na magkaroon ng agarang reporma hinggil sa bulk cash smuggling dahil ikinukunsidera ng ito ng intergovernmental watchdog na Financial Action Task Force (FATF) bilang “red flag”.

Posible rin kasi aniyang maging potential source ng terrorist financing ang bulk cash smuggling, bukod sa ito ay sinasamantala rin ng mga sindikato.

Maari rin aniyang maging mas mahal para sa mga OFWs ang kanilang binabayarang remittance fees.

May implikasyon din ito sa sitwasyon ng mga financial institutions, at pagbagsak ng GDP ng bansa, ayon kay Salceda.

Sa ilalim ng panukala, kailangan na i-report ang one-time inbound o outbound transports ng P500,000 o katumbas ng halagang ito sa ibang foreign currency.

Mabigat na parusa ang naghihintay para sa mga sangkot sa bulk cash smuggling, pati rin ang mga kasabwat ng mga ito.