-- Advertisements --

Hinihintay na lamang na maipasa sa Kongreso ang proposed special provision sa 2021 national budget para sa salary increase ng mga government nurses.

Ginawa ni Misamis Occidental 2nd District Rep. Henry Oaminal ang naturang proposal sa House plenary debate para sa budget ng Department of Health (DOH) sa susunod na taon.

Base sa kaniyang suhestyon, magkakaroon ng salary grade adjustments ang mga nurse sa bansa.

  • Nurse 1 – from Salary Grade 11 to Salary Grade 15
  • Nurse 2 – from Salary Grade 15 to Salary Grade 17
  • Nurse 3- from Salary Grade 17 to Salary Grade 19
  • Nurse 4- from Salary Grade 19 to Salary Grade 20
  • Nurse 5- from Salary Grade 20 to Salary Grade 22
  • Nurse 6- from Salary Grade 22 to Salary Grade 24
  • Nurse 7- from Salary Grade 24 to Salary Grade 25

Kung pagbabatayan ang Salary Standardization Law of 2019 na magiging epektibo na sa Enero 2021, sa oras na maaprubahan ang proposal ni Oaminal ang mga entry-level nurse (Nurse 1) ay sasahuran ng P33,575 mula sa dating P23,877.

Ang mga Nurse 2 naman ay sasahod ng P39,986 mula sa dating P33,575 na kanilang natatanggap kada buwan.

Maaari namang pumalo ng halos P100,000 ang sahod para sa mga Nurse 7.

Ayon naman kay House Committee on Appropriations Vice Chair Rep. Michaela Violago, ang hakbang na ito ay hindi lamang para taasan ang sahod ng mga nurse na nasa entry level ngunit pati na rin ang sahod ng mga nurse na matagal nang nagsisilbi sa bayan.

Dagdag pa ni Oaminal, kakailanganin ng mga mambabatas na gumawa ng special provision sa General Appropriations Act of 2021 dahil maaaring magtagalan pa ang Kongreso na ipasa ito kung maghahain pa sila ng legislation.