BACOLOD CITY – Kulong ang AWOL na miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos nahuli sa buy bust operation ng parehong pulis sa lungsod ng Bacolod, Biyernes ng gabi.

Si PO3 Clyde Dulaca, 45, miyembro ng Special Action Force (SAF) ay isa sa apat na mga personalidad na naaresto sa operasyon na isinagawa sa Purok Paloma, Brgy. 16 sa lungsod, pasado alas-10:00 kagabi.

Kasama nito sina Agiemon Padilla, 28, na siyang subject ng operasyon; Gracel Carian, 37, at Chad Mariano, 21.

Ayon kay S/Insp. Leo Estopa, station commander ng Bacolod City Police Station 1, si PO3 Dulaca ay dating assigned sa SAF headquarters sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City ngunit ito ay nag-AWOL o absent without official leave.

Naaktuhan ang apat habang nagpa-pot session sa isang bahay kaya nagtagumpay ang operasyon kung saan nakuha ang limang sachet ng hinihinalaang shabu at mga drug paraphernalia.

-- Advertisement --

Narekober din ang .45 caliber pistol at anim na mga bala sa possession ni Dulaca.

Ayon kay Estopa, nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5, 11 at 12 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang pulis at tatlong kasamahan nito.