CAGAYAN DE ORO CITY -Hinamon ni Atty. Jude Sabio ang kampo ng oposisyon na nagtangkang idiin si Presidente Rodrigo Duterte na patunayan ang laman ng videos na unang ipinakalat ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy.
Ito ay para hindi itutuloy ni Sabio ang pag-urong bilang abogado at patuloy na sasamahan sina dating Senator Antonio Trillanes IV, dating Magdalo party-list Rep Gary Alejano at ibang taga-Liberal Party na usigin si Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa usaping extra judicial killings sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Sabio na kung hindi mapapatunayan ng oposisyon na totoo ang pinagsasabi ni Advincula sa Bikoy videos laban kay Duterte sa pamilya nito, dapat mismo na sina Trillanes at kasamahan nito ang kusa na mag-withdraw ng reklamo sa ICC.
Samantala, tinawag naman ni Alejano na “‘lame excuse” ang pagtawag ni Sabio sa Bikoy videos bilang paninira lamang .
Inihayag ng dating mambabatas na hindi totoo na nagmula sa kampo ng oposisyon ang ipinalutang na Bikoy videos.
Iginiit ni Alejano na kung nais ni Sabio na maimbestigahan ang kontrobersyal na mga video ay dapat mismo ang mga otoridad ang magta-trabaho nito at hindi ang panig ng oposisyon.