-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Binatikos ni Labor leader Ka Leody de Guzman ang administrasyong Marcos dahil sa umano’y maling mga prayoridad kasunod ng paglulunsad ng “Safer Cities Initiative” ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay De Guzman, national president ng Partido Lakas ng Masa, nakatuon ang administrasyon sa maliliit na ordinansang panlipunan habang hinaharap ng bansa ang matinding oil crisis.

Ang mga bagong patakaran ng DILG na ipinakilala ni Interior Sec. Jonvic Remulla ay kinabibilangan ng mas mahigpit na curfew na alas-10:00 ng gabi para sa mga menor de edad, pagbabawal sa pag-inom ng alak sa lansangan, at pagbabawal sa paglalakad nang walang damit pang-itaas at sa pagkakaraoke sa dis-oras ng gabi.

Aniya, tila hindi tugma ang mga solusyon ng pamahalaan sa tunay na problema sa ekonomiya na kinakaharap ng mga Pilipino.
Samantala, kinundina rin ni de Guzman ang insidente sa Mandaluyong City, kung saan binigyan ng citation ticket ang isang lalaki ng mga awtoridad dahil sa pagiging topless sa pampublikong lugar habang naghahalo ng semento.

Hindi umano kriminal ang mga nakahubad na naghahalo ng semento. Ang tunay na kriminal ay ang mga nakabarong sa Kongreso dahilan na marapat lamang ang ginawa ni Remulla na humingi ng paumanhin sa naturang lalaki.