Planong ideklara ng gobyerno ng United Kingdom ang Russian mercenary group na Wagner bilang teroristang grupo.
Nangangahulugan ito na magiging iligal na ang maging kasapi o susuporta sa naturang organisasyon.
Nakatakdang ilatag ng Parliament ng UK ang isang draft order para maiuri bilang terrorist property ang assets ng Wagner at kumpiskahin ang mga ito.
Ayon kay UK Home secretary Suella Braverman na isa aniyang bayolente at mapanira ang Wagner na isang kasangkapang militar ni Russian President Vladimir Putin.
Ang mga aktibidad din aniya ng grupo sa Ukraine at Africa ay banta sa pandaigdigang seguridad.
Una rito, malaki ang naging papel ng Wagner sa invasion ng Russia sa Ukraine na nag-ooperate din sa Syria at mga bansa sa Africa kabilang ang Libya at Mali.
Kung saan inakusahan ang mga mandirigma nito ng ilang krimen kabilang ang pagpatay at pagpapahirap sa mamamayan ng Ukraine.
Sakaling matuloy ang plano ng UK, mapapabilang na ang Wagner sa listahan ng proscribed organisations sa UK gaya ng Hamas at Boko Haram.