-- Advertisements --

Nahaharap sa kabi-kabilang akusasyon ang Russia dahil sa di-umano’y pagpapakawala nito ng weapon-like projectile sa kalawakan na layong pasabugin ang mga satellites na nasa orbit.

Base sa paglalarawan ng US State Department, ang naturang projectile ay tila isang actual in-orbit anti-satellite weaponry na lubha umanong nakababahala.

Giit naman ng defense ministry ng Russia na sinusubukan lamang nila ang bagong teknolohiya ng bansa upang siguraduhin na nasa maayos na kalagayan ang kanilang space equipment.

Una nang nagpahayag nang pangamba ang Estados Unidos dahil sa sunod-sunod na satellite activity ng Russia ngunit ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagsalita ang United Kingdom hinggil dito.

Ito’y matapos lumabas ang impormasyon kung saan minamaliit umano ng Britanya ang kakayahan ng Russia.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang lider ng UK’s space directorate na si Air Vicer Marshal Harvey Smyth dahil sa ginagawang satellite test ng Russia.

“Actions like this threaten the peaceful use of space and risk causing debris that could pose a threat to satellites and the space systems on which the world depends,” saad nito.

Hinikayat naman ni Smyth ang nasabing bansa na maging responsable at iwasan ang mga susunod pang testing.

Ang mga bansang Russia, Uniited Kingdom, Amerika at China ay kasama sa 100 bansa na kasama sa napagkasunduang space treaty sa kalawakan.

Nasa ilalim din ng naturang treaty na mahigpit na ipagbabawal ang paglalagay sa orbit ng kahit anong uri ng armas.