-- Advertisements --

Nakakuha ng dagdag na suporta ang rubber industry ng Pilipinas kasunod ng naging pangako ng Department of Agriculture (DA) na palakasin ang produksyon nito.

Ayon sa DA, ang Pilipinas ay nage-export ng rubber at mga rubber-producsts ngunit tuluyan itong bumaba noong 2022. Umabot lamang sa $278.2 million ang export ng bansa kumpara sa rubber export noong 2021 na umabot sa $578.3 million.

Malaking hamon, ayon sa ahensiya, kung paano ibalik ang mataas na produksyon ng bansa at kung paano doblehin o lalo pang pataasin ang rubber production.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay pang-13 na pinakamalaking producer ng natural rubber sa buong mundo ngunit isang porsyento lamang ang hawak nitong produksyon sa kabuuang rubber production sa buong mundo.

Dahil dito, naglatag ang DA ng ibat ibang mga paraan bilang saupusta sa Philippine Rubber Research Institute (PRRI), kabilang na ang 7.48 hectares na research and development facility sa Mindanao, joint utilization ng kasalukuyang rubber testing laboratory sa Zamboanga Peninsula, at iba pang technical assistance.

Hawak ng Mindanao ang hanggang sa 98% ng production sa buong Pilipinas. Noong 2022, mayroong kabuuang 234,600 na ektarya ng lupain na natamnan ng rubber tree.

Ayon naman kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr, ang hamon para sa Phil Rubber Research Institute ay ang bumuo ng akmang programa para masuportahan ang hanggang sa 700,000 na rubber farmers sa buong bansa.

Kailangan aniyang magabayan ang mga rubber farmers upang matiyak na hindi mamamatay ang rubber industry sa bansa, at mapataas ang produksyon para sa domestic at international consumption.