-- Advertisements --

Kumpiyansa ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) makakatulong ang mandatory Reserve Officer’s Training Corps (ROTC) para matigil ang mga isinasagawang recruitment ng New Peoples Army (NPA) sa mga kabataan.

Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, kapag maisabatas na ang mandatory ROTC magkakaroon ng panibagong format at dito hindi na basta basta maenganyo ang mga kabataan na sumapi sa komunistang grupo.

Sinabi ni Arevalo na ituturo na sa mga kabataan sa ROTC ang isyu na may kinalaman sa mga banta at national security ng bansa.

Una ng sinabi ni Defense spokesperson Dir. Arsenio Andolong na mas mahigpit at mas makatao na ang ipatutupad nilang mga pagsasanay.

Maliban sa basic military training, dadagdagan nila ang bagong ROTC curriculum sa pamamagiutan ng pagbuhay sa patriotism o pagmamahal sa bayan at paggalang sa karapatang-pantao.

Bibigyan din ng pagkakataon ang mga magiging kadete para magsanay bilang Reserve Force na kalauna’y magsisilbi ring dagdag puwersa sa pagtatanggol sa bansa.

Pero nilinaw ni Andolong na hindi kagaya noon, may mga karampatang parusa na silang ikinasa sakaling mapatunayan na nagkaroon ng anomalya at may kalalagyan ang mga military officers na magsasamantala rito.