-- Advertisements --

Itinutulak ngayon ni Senator Robin Padilla ang agarang pagpasa ng Senate Bill No. 617 o ang panukalang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Act nitong Biyernes, Hunyo 12, kasabay ng paggunita sa ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Ayon kay Padilla, mas lalong ipinakita ng kamakailang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao ang pangangailangan para sa mas matatag na paghahanda ng mga mamamayan sa panahon ng sakuna.

Sa isang pahayag, sinabi ng senador na layunin ng panukala na hubugin ang kabataan na maging disiplinado, makabayan, at handang tumugon sa mga hamon ng bansa, kabilang ang kalamidad at mga usaping pangseguridad.

Binigyang-diin din niya na ang seguridad ng bansa ay hindi lamang tumutukoy sa mga banta mula sa labas kundi pati sa kahandaan sa mga natural na kalamidad.

“Ang trahedyang nangyari sa General Santos at mga karatig-lugar ay nagpapaalala sa atin na ang seguridad ng bansa ay hindi lamang tungkol sa mga banta mula sa labas,” dagdag niya.

Sa ilalim ng panukala, layunin nitong gawing institusyonal at palakasin ang ROTC program sa mga Higher Education Institutions (HEIs) at Technical-Vocational Institutions (TVIs) sa buong bansa.

Kabilang sa nakapaloob dito ang pagsasanay sa survival skills, disaster response operations, search-and-rescue missions, relief operations, at iba pang kakayahan na mahalaga sa panahon ng kalamidad at humanitarian emergencies.

Giit ni Padilla, hindi lamang ito isang military training program kundi isang hakbang sa paghubog ng mga responsableng mamamayan na handang tumulong sa oras ng pangangailangan.