Tiniyak ngayon ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na siya na mismo ang maghahain ng kasong kriminal laban sa aniya’y “totoong mafia” sa PhilHealth na ginawang gatasan ang health insurance agency.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atty. Roque na hindi na niya hihintayin ang anumang ahensya ng pamahalaan lalo na ang PhilHealth mismo na magsasagawa ng pagsasampa ng reklamong tunay na magpapanagot sa mga nagkamal sa pamamagitan ng mga “ghost payments.”
Ayon kay Atty. Roque na dati ring nagsulong ng Universal Health Care Act noong miyembro pa ng 17th Congress, naninindigan siyang walang kasalanan at mga pekeng mafia ang inakusahang walong mid-level PhilHealth officials sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Miyerkules.
Naniniwala umano si Roque na dapat ang imbestigahan at kasuhan ay grupo nina dating PhilHealth acting president Roy Ferrer, buong Board ng PhilHealth, PhilHealth’s Vice President for Legal Department Jojo del Rosario, PhilHealth’s Senior Vice President for Management Services Sector Dennis Mas, head ng IT at secretary to the board dahil sila ang may hawak sa mga opisinang may anomalya.
Sinagot din ni Roque ang hamon ng PhilHealth na magharap siya ng ebidensya sa kanyang mga paratang sa pagsasabing naiprisinta na nito at gagamitin sa ihahaing reklamo.
“Pinaniniwalaan ko na sila ang dapat imbestigahan. At kung meron mang dapat bansagang mafia eh sila kasi ‘yung nagpapatakbo ng mga opisinang may anomalya. Wala namang anumang anomalya sa mga opisina ng mga suspendido kasi suspendido na nga sila at floating na,” ani Atty. Roque sa Bombo Radyo.
Kasabay nito, iginiit ni Roque na dapat na talagang buwagin ang PhilHealth at palitan ng bagong organisasyong pamumunuan at pangangasiwaan ng mga matitinong opisyal alinsunod sa mandato ng Universal Health Care Act.