-- Advertisements --

Isang Russian drone ang pinabagsak ng isang Romanian fighter jet matapos umanong pumasok sa airspace ng Romania.

Mariing kinondena ng bansa ang sunod-sunod na paglabag sa kanilang airspace na bahagi rin ng teritoryo ng NATO at European Union.

Ayon sa Romanian Defense Ministry, napigilan ng Romanian F-16 fighter jet ang isang Russian drone sa bahagi ng Black Sea nitong Linggo.

Nabatid na ito na ang ikatlong drone na pinabagsak ng Romania sa loob lamang ng tatlong araw, matapos ang ilang insidente ng pagpasok ng mga Russian drone sa kanilang airspace.

Ang Romania ay miyembro ng NATO at may share-border sa Ukraine, na patuloy na nakararanas ng pag-atake mula sa Russia.

Ayon kay Romanian President Nicusor Dan, hindi katanggap-tanggap ang paulit-ulit na paglabag ng Russia sa kanilang airspace. Aniya, seryoso nilang tinututukan ang mga insidente kasama ang kanilang mga kaalyado.

Sinabi naman ng NATO na patuloy pa nilang iniimbestigahan ang detalye ng pinakahuling insidente.

Batay naman sa mga awtoridad, ligtas na napabagsak ang drone sa layong humigit-kumulang 12 kilometro mula sa baybaying bayan ng Sulina, sa bahagi ng kanilang territorial waters.

Mula nang magsimula ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, nakapagtala ang Romania ng 33 insidente ng Russian drone attack sa kanilang airspace.

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang Moscow tungkol sa insidente.