Inanunsyo ni U.S. President Donald Trump ang tatlong araw na ceasefire sa pagitan ng Russia at Ukraine mula Mayo 9 hanggang Mayo 11 bilang paggunita sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig para sa Russia.
Sa kanyang post sa Truth Social, sinabi ni Trump na kabilang sa ceasefire ang pansamantalang pagtigil ng lahat ng opensibang militar at pagpapalitan ng tig-1,000 bilanggo mula sa bawat bansa.
“Hopefully, it is the beginning of the end of a very long, deadly, and hard fought war,” ani Trump.
Nauna nang sinabi ni Trump na may isinasagawang usapan para sa temporary ceasefire matapos ang kanyang pakikipag-usap kay Russian President Vladimir Putin noong Abril 29.
Kasabay nito, nagdeklara rin ang Russia ng sariling ceasefire mula Mayo 8 hanggang Mayo 9 bilang bahagi ng paggunita nito sa tagumpay ng Soviet Union laban sa Nazi Germany noong World War II.
Samantala, iminungkahi naman ng Ukraine ang open-ended ceasefire na nagsimula noong Martes at nanawagan sa Russia na sumunod din sa naturang hakbang.
Liban dito, dumating na rin sa Miami ang pangunahing negotiator ng Ukraine na si Rustem Umerov para sa serye ng pagpupulong kasama ang mga kinatawan ng Estados Unidos.
Gayunpaman, nananatiling hindi nagkakasundo ang magkabilang panig lalo na sa usapin ng Donetsk region sa silangang bahagi ng Ukraine. Patuloy ding inaakusahan ng Moscow at Kyiv ang isa’t isa ng paglabag sa mga naunang ceasefire declarations.
















