NAGA CITY- Nagpapatuloy parin ang monitoring ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Sangay kaugnay parin sa nangyayaring rockslide sa Sangay-Tiwi road dala ng patuloy na pag-ulan sa probinsya ng Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Don Panoy, Head ng MDRRMO-Sangay sinabi nito na sa ngayon mahigpit paring binabantayan ng ahensya ang kalsada katuwang ang mga barangay officials na sakop sa naturang lugar dahil sa patuloy na paghulog ng mga bato.
Ayon kay Panoy, inabisuhan na rin umano ang mga pampublikong sasakyan patungong bayan ng Tiwi sa probinsya ng Albay na dumadaan sa nasabing kalsada na kung maaari ay ipagpaliban na muna ang pagdaan dito.
Maliban sa mga batong nakabalandra sa kalsada ay problema rin umano dito ang tubig baha na nagmumula sa bundok na mayroong lumot, kung saan nag dudulot ito ng madulas na daanan na posibleng maging sanhi rin ng mga aksidente.
Samantala nilinaw naman ni Panoy, na malayo sa mga bahay ng mga residente ng lugar ang nasabing pinangyayarihan ng rockslide.
Sa ngayon, mahigpit rin umanong binabantayan ng MDRRMO-Sangay ang mga ilog sa lugar dahil sa posibleng maranasang pagbaha.