Nilinaw ni Vice President Leni Robredo na wala pa siyang plano sa darating na 2020 elections, kahit ngayon pa lang ay mga nananawagan na para sa pagtakbo niya bilang pangulo.
Sa ngayon, naka-sentro raw muna ang kanyang atensyon sa pagiging pangalawang pangulo at kung pa ang magagawa niya sa kasalukuyang posisyon.
“Kung iisipin ko iyong 2022, siguro hindi ko na magagampanan nang maayos iyong trabaho ko. Hindi ko na magagampanan nang maayos iyong trabaho ko, kasi ang iisipin ko na lang saan ba ako makakakuha ng maraming boto,” ani Robredo sa isang interview.
“Siguro araw-araw nasa media ako, nagpapa-interview—araw-araw sa TV—para mas grabe iyong media exposure. Salungat iyan sa ninanais natin na mag-trabaho.”
Ayon kay VP Leni, mapanganib para sa publiko kung iisipin agad ang susunod na eleksyon habang may mga nakaupo pa sa pwesto.
“Lugi iyong taumbayan kung nakaupo ka pa nga, ang iniisip mo iyong susunod na eleksyon, kasi lahat na desisyon mo affected na. Kaya sa akin, para sa akin, malaking disservice sa tao kapag ang namumuno sa kanila, lalo na ngayong pandemic, ang iniisip pa din pulitika.”
Kamakailan nang mag-trending ang panawagan ng artistang si Sharon Cuneta para tumakbo bilang presidente si Robredo sa 2020.
Sa kabila nito, aminado ang bise presidente na kung ano man ang karera niya ngayon sa pulitika ay hindi niya minsan pinagplanuhan.
“Ang record ko sa politika, wala akong pinlano—iyong pag-congressman ko, pag-VP. Hindi ko pinlano, dumating na lang.”









