Sang-ayon si Vice Pres. Leni Robredo sakaling magkaroon ng extension ang pagpapatupad ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon, na magtatapos sa April 14.
Sa isang interview sinabi ng bise presidente na mas mabuting mapababa muna ang mga kaso habang pinaiiral ang lockdown ng rehiyon.
“Sang-ayon ako dahil sa nakikita natin na projection. Makakabuti na i-flatten ‘yung curve kung hahabaan pa ito,” ani Robredo.
Kaugnay nito sinabi ng pangalawang pangulo na dapat siguruhin ng gobyerno na hindi magugutom ang publiko kapag pinaliwag pa ang ECQ.
“Crucial na naiintindihan ng tao kung bakit kailangan ito gawin. Kapag hindi nila naiitindihan, ‘yung resistance nandyan.”
“Number two, ‘yung kanilang basic na pangangailangan ay naaasikaso.”
Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development ang pamamahagi ng tulong sa ilalim ng Social Amelioration Program nito.
Sa pamamagitan nito, makakatanggap ng subsidiya ang mga pasok sa kwalipikasyon tulad ng matatanda, walang tirahan, at empleyadong “no work, no pay.”
Pati na mga magsasaka, mangingisda at driver ng pampublikong sasakyan ay maaambunan din ng insentibo.
















