-- Advertisements --

MANILA – Pinaalalahanan ni Vice President Leni Robredo ang publiko na seryosohin ang mga sinasagutang “contact tracing” forms sa mga pinupuntahang establisyemento.

Pahayag ito ng pangalawang pangulo sa gitna ng patuloy na paghahanap ng Quezon City government sa mga nakasalamuha ng 29-anyos na lalaking residente ng lungsod, at nag-positibo sa UK variant ng SARS-CoV-2 matapos bumiyahe ng United Arab Emirates.

“Iyong iba kasi, Ka Ely, hindi ito sineseryoso. Mas mabuti iyong complete na contact information iyong nilalagay kasi just in case, ano iyon, nakahalubilo mo, iyong nagpositive dapat sana alam mo para iyong precautions ay nasusundan,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Batay sa huling anunsyo ng QC government, nasa higit 140 close contacts ng nasabing lalaki ang kanila nang na-contact.

Negatibo naman sa COVID-19 ang nobya ng lalaki, matapos isailalim sa re-swabbing.

Nauna nang umapela ang Department of Health (DOH) na makipag-ugnayan sa mga kinauukulan ang iba pang nakasalamuha ng 29-year old real estate agent.

Para kay VP Leni, mas nakatulong ang pagbanggit ng barangay kung saan nakatira ang nasabing kaso para mapaigting ang mga ginagawang hakbang sa komunidad.

Umapela kasi si Mayor Joy Belmonte sa mga residente ng lungsod dahil nakakaranas na raw ng diskriminasyon ang mga nakatira sa Brgy. Kamuning kung taga-saan ang kaso.

“Mukhang mas effective iyong sinasabi na lang kung taga-saan para mas general saang lungsod tapos parang, ano iyong patient number, kasi ito nga, maraming nadadamay. Marami iyong nadadamay.”

“Ang ayusin iyong contact tracing kasi naiintindihan naman natin kung bakit kailangan sabihin pero may ibang paraan.”

Hinimok din ng bise presidente ang mga opisyal na ayusin ang ginagawang pagpapa-igting sa anunsyo ng mga impormasyon.

Lalo na’t nakumpirma naman na hindi umuwi ng bahay ang lalaki makaraang dumating ng bansa mula Dubai.

“Kapag hindi na binasa iyong balita ang akala ng iba, “‘di ba nagpositive siya habang nasa community,” hindi naman. Kaya mas mabuti, Ka Ely, mas maayos iyong pag-communicate para hindi rin nadadamay iyong iba.”