-- Advertisements --
OVP20173
IMAGE | Vice President Leni Robredo faced the public on Tuesday night, Feb. 16, 2021, in light of the decision of the Supreme Court, sitting as the Presidential Electoral Tribunal (PET), to dismiss the entire electoral protest filed by defeated candidate Bongbong Marcos/Jay Ganzon, OVP

MANILA – Umapela si Vice President Leni Robredo sa kanyang mga taga-suporta at kritiko na mag-move on na mula sa issue ng electoral protest.

Pahayag ito ng pangalawang pangulo matapos tuldukan ng Supreme Court, na umuupong Presidential Electoral Tribunal (PET) ang halos limang taon na protesta ng natalong si former Sen. Bongbong Marcos.

“Now that this issue has been definitely settled, ang hinihingi ko lang sa lahat, pati lalo na siguro sa supporters natin is to put this rancor behind us and let us move forward together,” ani Robredo sa isang press briefing.

Ayon kay VP Leni, maraming mas malalaking problema na kailangan pagtuunan ng pansin ngayon tulad ng COVID-19 pandemic.

Kaya kung maaari raw ay sana magkaisa ang publiko para sabay-sabay na maka-ahon sa epekto ng health crisis.

“Isantabi muna natin iyong mga sama ng loob, isantabi muna iyong mga hindi pagkakaintindihan, isantabi muna iyong away kasi maraming umaasa sa atin.”

Nagpasalamat si Robredo sa kanyang legal team, na pinangungunahan ni Atty. Romulo Macalintal, dahil sa hindi pagbitaw sa kanilang laban.

Pati na sa revisors, staff ng Office of the Vice President, at mga mahistrado ng PET.

“For their (PET) fairness and resolve.”

Ayon sa pangalawang pangulo, hindi nila hinayaang makaapekto sa mandato ng OVP ang protesta ni Marcos.

Pero malaking bagay din daw ang hatol ng PET para matuldukan na ang issue sa pagka-bise presidente.

“The affirmation that we received from the PET today will allow us to focus more on the more important work of serving our people. Lalo itong magpapalakas ng ating pagkilos at pagtulong, lalo na ngayong panahon ng matinding krisis.”

Wala na raw mensahe si Robredo sa nakatunggaling si Marcos. Gusto na lang daw niyang magpasalamat sa lahat ng taga-suporta at mga hindi bumitaw sa laban.

“Marami iyong nagkukuwestiyon sa legitimacy ng ating eleksyon, walang nag-hesitate, walang nagdalawang—nag-ano iyon—walang nagdalawang-isip na ibigay iyong 100 percent nila sa trabaho.”

Ayon sa Supreme Court, buong electoral protest ni Marcos ang ibinasura ng PET. Maging ang counter-protest ni Robredo ay na-dismiss din ng mga mahistrado.