-- Advertisements --

Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan na magtakda ng mga objectives matapos na palawigin ng isa pang linggo ang enhanced community quarantine sa Metro Manila ang mga kalapit na mga probinsyo.

Iginiit ni Robredo na dapat mayroong timeline at scorecard ang lahat ng mga ginagawang hakbang ng pamahalaan pagdating sa laban kontra COVID-19.

“Kung hindi natin nakikita papaano siya gumagalaw, yung tao ang parating tanong, ‘May pag-asa pa ba tayo?’… Mahalaga na nakikita ng tao na meron tayong spefific obejctives at ina-achieve natin yun,” ani Robredo.

Kaya naman muling binigyan diin ni Robredo ang kanyang mungkahi na magkaroon ang mga lokal na pamahalaan ng kanilang COVID-19 testing goals.

Hinimok din niya ang pamahalaan na i-calculate kung ilang mga kama ang kailangan sa mga lugar kung saan umaabot na sa full capacity ang mga ospital.

Maging ang mga healthcare workers ay dapat na mabilang din aniya ng pamahalaan.

Iginiit ni Robredo na mahigit na isang taon nang walang pahinga ang mga healthcare workers kaya dapat magkaroon na rin ng plano sa kung paano masuklian ang sakripisyo ng mga ito.