-- Advertisements --

Itinanggi ng Philippine Navy ang palutang ng Chinese military na nagsagawa ito ng coordinated patrols bilang tugon umano nila sa joint military drills sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa West Philippine Sea noong nakalipas na linggo.

Tinawag naman ito ni PN spokesperson for the WPS Rear Adm. Roy Vincent Trinidad na pawang propaganda lamang.

Bagamat kinumpirma ng opisyal na binuntutan ng Chinese Jiangkai-class frigate ang mga barkong kalahok sa aktibidad, hindi aniya ito maituturing na coordinated air at sea patrol.

Gayundin, isang araw pagkatapos ng maritime drills, noong Linggo, June 15, namonitor ng Philippine Navy ang patuloy na iligal na presensiya ng 2 People’s Liberation Army (PLA) Navy warships at 2 Chinese Coast Guard (CCG) vessels malapit sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal. Gayundin ang 2 barko ng Chinese Coast Guard na nag-deploy ng rigid hull inflatable boats sa Ayungin o Second Thomas Shoal habang isa pang PLA Navy warship ang naispatan malapit sa Sabina o Escoda Shoal.

Sinabi din ni Trinidad na kadalasang gumagawa ng coercive at agresibong aksiyon ang military command ng China sa kasagsagan ng aktibidad saka maglalabas ng maling claims na nagsagawa sila ng pagpapatroliya sa bisinidad ng ating maritime zones.

Ginagawa aniya ito ng China para sa kanilang international narrative para suportahan ang kanilang illegal claims sa ating maritime zones.